Sinusubukan na umano ng Philippine National Police (PNP) na hanapin ang anim na Chinese nationals na dinukot sa Alabang, Muntinlupa noong Lunes.
Ayon kay Police anti-kidnapping Cosme Abrenica, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naganap na pagdukot sa anim na Chinese at tatlong Pinoy.
Pinakawalanng mga kidnapper ang tatlong Pinoy na sina Henry Catapat, Marian Arambulo at Jhon Ray Catapat, sa Brgy. Limao, Calauan, Laguna. Pero tinangay ang anim na Chinese, kabilang ang amo ng mga biktima na si Ceng Chi Liang patungo sa direksiyon ng Bay, Laguna.
“Wala kaming impormasyon kung kidnap-for-ransom, kidnapping o kung ano ang motibo. Hindi pa namin ma-establish,” ayon kay Abrenica nitong Huwebes.
Sa report ni Calauan police chief, Col. Philip Aguilar, nasa bahay ng kanilang employer sa Sampaca St. Ayala Alabang Village, Muntinlupa City ang tatlong Pinoy at limang Chinese, na pawang mga empleyado ni Liang, nang pasukin ang mga ito ng anim na armadong lalaki bandang alas-4:00 ng madaling-araw.
Tinutukan ng baril ang mga biktima, piniringan at saka isinakay sa isang Hi-Ace commuter van.
Umikot muna umano ang sasakyan bago pinakawalan ang tatlong Pinoy sa Calauan, Laguna alas-3:00 ng hapon at pinagbantaang wag magsusumbong sa mga awtoridad.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagkidnap matapos na magreklamo ang China sa Pilipinas tungkol sa mga mamamayan nila na naakit na magtrabaho sa mga online gaming firm at pagkatapos ay dinadaya, kinikikilan at ginagawang alipin.
(Dolly Cabreza)
The post PNP bokya pa sa 6 dinukot na Chinese first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: PNP bokya pa sa 6 dinukot na Chinese