Itaga mo sa bato!

Pinatunayan ng katatapos na Barangay at SK Elections (BSKE) na pera pa rin ang namayagpag sa pagpili at paghahalal ng mga lider sa barangay.

Sa kabila ng mga babala mula sa Commission on Elections (Comelec) na labag sa batas ang pamimili ng boto at may katapat na kaparusahan, ang mga ulat ng insidente ng vote buying ay naganap pa rin.

Mismo na ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagsabi na hindi pa rin nawawala ang bilihan ng boto tuwing eleksiyon.

Matapos bumoto sa kanyang barangay sa Ilocos Norte, humarap ang Presidente sa media at inihayag na may natanggap siyang ulat na may “sumusubok na mamili ng boto na aniya’y umiikot sa gabi.”

Ang tawag dito ng mga beterano sa politika ay “gapangan.” “3Gs” ang istilo. “Guns, goons at gold.”

Ganito na ang kalakaran noong “bata pa si Isabel.” Walang pagbabago maliban na lamang sa halaga ng bigayan.

Ayon nga sa election watchdog na Legal Network for Truthful Election o LENTE, ilang araw bago isagawa ang barangay elections nakatanggap na sila ng impormasyon mula sa kanilang mga volunteer na P300 hanggang P2-libong piso ang bigayan.

Naganap pa rin ang bilihan ng boto. Sa kabila ng matinding babala ng Comelec na makakasuhan ang sinumang lalabag.

Sa katatapos na 2023 BSKE, isang gobernador at 13 alkalde ang nakatakdang imbestigahan dahil sa isyu ng pamimili ng boto, ayon `yan sa Comelec.

May makukulong kaya?

Samantala, ang katatapos na BSKE ay ang tunay na survey sa lahat ng mga isinagawang survey.

Aminin man o hindi, ang mga tumakbo sa barangay at SK elections ay mga “bata” ng mga politiko.

Ang resulta ng eleksiyon ay barometro ng mga ‘incumbent officials’ lokal man at nasyonal.

At para naman sa naghahangad na bumalik ulit sa pwesto, dahil talunan o natapos na ang termino makapaghahanda na sila ng estratehiya para sa susunod ng 2025 midterm elections.

Ang chairman ng barangay ang magiging susi ng mga kakandidato sa 2025 local at national elections.

Kapag sinabi ni chairman na ibibigay niya ang 300 boto, itaga mo sa bato ito’y magkakatotoo, ayon iyan sa pangulo.

The post Itaga mo sa bato! first appeared on Abante Tonite.

 

Keep on reading:   Itaga mo sa bato!

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Latest from News>Tabloid PH News