Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang masusing imbentaryo sa mga barangay hall sa loob ng itinakdang tatlong linggong transition period para sa mga bagong opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Nais kasi matiyak ni DILG Secretary Benhur Abalos na mayroong mga kagamitang maiiwan sa mga barangay hall pag-upo ng mga bagong opisyal na nagwagi sa halalan na idinaos noong Lunes, Oktubre 30.
“Ang transition period na binibigay natin ay three weeks. Napaka-importante na ma-turn-over sa mga bagong opisyal properly ang properties ng barangay. Ilang computers ‘yan, ilang kotse ’yan. Are they in good condition? Baka pag-upo n’yo diyan wala ng laman ang barangay hall,” ayon ay Abalos.
Mahalaga aniya ang transition period para maging maayos ang turnover sa mga bagong opisyal ng barangay.
Kaugnay nito, naglabas din si Abalos ng DILG Memorandum Circular No. 2023-166 na siyang susundan na mga alituntunin ng mga bagong opisyal ng barangay at SK kapag nagsimula nang manungkulan sa kanilang puwesto.
Samantala, nagbabala rin si Abalos na sino man sa mga bagong opisyal na hindi uupo o bigong umupo sa puwesto pagkatapos ng tatlong linggong transition period ay maaaring maharap sa administrative cases.
Ipinag-utos naman sa mga outgoing official ng barangay at SK na isumite
ang kanilang final inventory ng mga gamit, financial record, documents at mga transaksyong pinansyal sa mga bagong uupo.
“Ayaw po nating magkagulo. Inuulit ko po ang announcement na ito sapagkat this will cover all the barangays and SK sa Pilipinas. Pagka-oath mo, coordinate with our DILG officer na nasa ground at binigyan namin sila ng instructions dito na magkaroon ng proper turnover,” ayon pa kay Abalos.
The post DILG pinaimbentaryo mga barangay hall first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: DILG pinaimbentaryo mga barangay hall