Christmas Factory: Kilala at De-kalidad

Nakapagkabit ka na ba ng Christmas decors?

Kung hindi pa, habol na sa pamosong tindahan ng mga palamuti tuwing Pasko, ang Christmas Factory na matatagpuan sa panulukan ng A. H. Lacson at M. F. Jocson sa Sampaloc, Maynila.

Pag-aari ng mag-asawang Tony at Josie Santos ang tindahang ito na dalawampu’t limang taon nang nagbebenta ng iba’t ibang Christmas decors.

Hindi na rin mabilang sa daliri kung ilang beses silang naitampok sa maraming programa sa radyo at telebisyon.

Malapit sa puso ko ang mga may-ari ng Christmas Factory dahil pinsan ng aking tatay si Tita Josie. Kuwento n’ya sa akin, likas daw siyang creative. Bata pa lang, mahilig na talaga siya sa arts and design.

Dahil hirap sa buhay noong 90’s, naisip daw ni Tita Josie na gumawa ng Christmas decors at idinisplay sa harap ng kanilang tahanan. Mabilis daw naubos ang mga palamuting kanyang idinisenyo. Kaya ang halagang P2,000 na una nilang inilabas mag-asawa, unti-unti nang lumago.

Iniwan nina Tita Josie at Tito Tony ang trabaho nila noon bilang school bus drivers maka-focus sa negosyong ito.

Hindi naman sila nagkamali dahil ang maliit nilang negosyo noon, kung saan-saan na nakakarating ngayon. Bukod sa pagsu-suplay sa malalaking mall sa bansa, nag-eexport na rin sila ng Christmas decors abroad.

Ang sikreto, ayon kay Tito Tony, ‘Sa isang pamilya, nagtutulungan kayong dalawa. Hindi ‘yung isa lang ang naghahanap-buhay. Kailangan magtulungan kayo para maranasan n’yo ang hirap kumita.’

Kahit unti-unti nang nakakaipon ng pera, hindi raw nila pinalaki sa layaw ang kanilang apat na anak na pawang may magaganda nang buhay.

Kuwento ni Tito Tony, ‘Hindi puwedeng hingi na lang ng hingi. Turuan mo rin silang maging responsible. Bigyan mo rin sila ng duties sa bahay. Hindi puwedeng tanggap na lang ng tanggap.’

Sa mga may extra budget, subukan daw magsimula ng negosyo. Tama naman silang mag-asawa, walang yumayaman sa pagiging empleyado. Mas mainam pa rin kung may sariling business. Payo ni Tito Tony, ‘What is important, marunong kang dumiskarte. Kung businessman ka, huwag puro tubo. Ang mahalaga, serbisyo mo sa kanila.’

Para naman kay Tita Josie, ‘Treat your customers as friends.’

Ang sa akin lang, tunay na inspirasyon para sa marami ang kuwento kung paano nagsimula ang Christmas Factory. Totoo ang kasabihang ‘Great things start from small beginnings.’

The post Christmas Factory: Kilala at De-kalidad first appeared on Abante Tonite.

 

Keep on reading:   Christmas Factory: Kilala at De-kalidad

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Latest from News>Tabloid PH News