Panahon na umano para magkaroon ng national organization ang mga vlogger sa bansa na magkokontrol sa kanilang content at makatulong na masugpo ang pagkalat ng fake news.
Sa pagdinig ng Senate committee on labor employment and human resources para sa panukalang Development Media Workers’ Welfare Act, binigyang diin ni Senador Raffy Tulfo na hindi gumagawa ng fake news ang mga tradisyonal na media dahil may mga superior na nagsasala o tumitingin ng kanilang trabaho.
“I know that for a fact na ‘yung regular TV stations, hindi ‘yan nagpapalabas ng mga fake news. ‘Yung mga radio stations, maging sa mga newspaper,” ani Tulfo.
“Maliban na lang siguro sa mga vlogger na walang nire-reportan na amo o kompanya. Independent. ‘Yun ang nakakatakot. Doon nagu-umpisa ang fake news,” dagdag niya.
Mungkahi pa ni Tulfo, dapat magkaroon ng samahan para sa mga vlogger na katulad sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na nagsusulong ng responsableng pamamahayag.
“I don’t know if this needs legislation na magkaroon ng `Kapisanan ng mga Vloggers sa Pilipinas’ or something to that effect na para magkakaroon ng policing…among their ranks na para maging responsable na sila,” ani Tulfo.
Naniniwala naman ang senador na may mga vlogger na sumusunod sa code of ethics subalit may ilan din umano na puro banat lang ang ginagawa.
“Pero meron pa rin talaga diyan mga guerilla, na talaga ‘pag umupak, upak lang, without thinking of the consequences because walang nagreregulate sa kanila and then bahala na kapag idedemanda o hindi,” sabi pa ni Tulfo.
(Dindo Matining)
The post Mga vlogger higpitan vs fake news – Tulfo first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: Mga vlogger higpitan vs fake news