Sinupalpal ni Senadora Grace Poe ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) dahil sa hirit nilang suspendihin ang implementasyon ng SIM card registration law dahil lamang sa mga nakitang aberya.
Nitong nagdaang araw kasi, nagsagawa ang PAOCC ng pagsusuri kung fool-proof ang online registration ng SIM. Nagrehistro sila ng pekeng pangalan gamit ang larawan ni Bart Simpson at nakalusot ito.
Actually, walang originality ang PAOCC dahil nauna nang nag-demonstrate ang National Bureau of Investigation sa mga miyembro ng Senate committee on public services. Nagawa nilang magparehistro online gamit ang larawan ng nakangiting unggoy.
Ang kaibahan lang, itong si PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, aba’y humirit pa sa sana raw ay ipatigil muna ang implementasyon ng SIM Registration Law. Hindi muna tinimbang kung tama ang kanyang panawagan.
Hayun tuloy, naboldyak siya ni Senadora Grace Poe matapos itong kontrahin ng mambabatas. Ang senadora ang may-akda ng nasabing batas.
Sabi kasi ni Sen. Poe, hindi naman ang batas ang may problema, kundi ang mga ahensiya at korporasyon na nagpapatupad nito. Tinukoy niya ang mga telecommunication company na dapat ay mabusisi sa pagberipika ng nagpaparehistro ng kanilang SIM upang sa gayon ay hindi ito magamit ng mga scammer.
Binigyang-diin ng senadora na sapat ang ngipin ng batas para labanan ang mga scammer. Nakapaloob din dito ang mga safeguard upang mapangalagaan ang privacy ng mga subscriber.
“Concerned agencies and telcos must be able to plug the loopholes in their effective implementation without halting registration,” diin ni Sen. Poe. “Backing down against scammers is not an option.”
Katatakot takot na batikos ang natanggap ng PAOCC. Noong Linggo, dinagdagan pa ito ni Sen. Poe nang sabihin niyang “dapat hulihin nila ang mga sindikato. Yun ang trabaho nila”
“Kung sinasabi nila ‘oh kasi ang daming nakapag-register na mga sindikato, P1 billion worth nakuha sa mga pre-registered SIM ng mga POGO.’ E bakit nila sisihin yung batas, dapat hulihin nila yung mga POGO na gumagawa ng illegal na ganun,” giit pa ng senadora.
Siguro naman, nahimasmasan na ang PAOCC official sa ginawang pagsupalpal sa kanya ng senadora.
Alalahanin mo, budget season ngayon, dadaan pa sa Senado ang panukalang budget ng inyong tanggapan at baka magkaproblema kayo.
Hindi malayong singilin sila ng mambabatas kung ano na ang nagawa ng kanilang ahensiya para masugpo ang paglobo ng mga scammer gayundin ang paglaban sa human trafficking sa bansa.
Kaya naman bago magpasikat, siguruhin muna ninyo na nagagampanan ang sinumpaan ninyong tungkulin.
The post Grace Poe kinontra suspensyon ng SIM registration first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: Grace Poe kinontra suspensyon ng SIM registration