MARAMING tanong kaysa sagot kung tapat ang ilang opisyales ng Commission on Audit (COA) sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Ilan sa mga katanungan na dapat mabatid ng taumbayan ang tamang kasagutan ay kung sino ang mga taong bayad na ang sahod pero nangungulimbat pa rin sa pondo ng gobyerno na sila dapat ang magprotekta.
Mga tanong sa kumakalat na alingasngas tungkol sa tinatawag na “Super Friends” sa loob ng COA, na sila dapat ang taga-bantay sa pera ng taumbayan.
Sino si Superman sa loob ng COA? Sino si Super Cat? Sino si Super Boy? Sino si Batman at Robin?
Isa sa COA ‘Super Friends’ ay kilalang tirador ng mga kontrata sa gobyerno gamit ang iba’t ibang construction company ng kanyang ex-girlfriend na nagmula sa mahirap na pamilya sa isang malayong probinsiya.
Alam kaya ng mismong bossing ng COA na naghakot ng higit bilyon-pisong government contracts mula sa ilang national government agencies at LGUs itong isang Super Friend? Ano naman ang kapalit ng pagbigay ng government projects sa nasabing Super Friend?
Isa sa mga ikinatatakot natin ay baka luwagan ng ilang auditors ang pagbusisi ng mga libro ng gastusin o pondo ng mga “friendly” at mapagbigay na ahensiya ng gobyerno, lokal man o nasyunal.
Nakapanghihina ng loob kung totoo ang mga naririnig nating alingangas sa loob ng ahensiya.
Kapag sinabi nating “Super Friends,” sila yung mga superhero na lumalaban sa mga masasamang tao, pati na ang bumubutas sa kaban ng bayan.
Pati nga ang mga taxi driver, kilalang kilala kung sino sina Superman, Batman at Robin. Ito yung mga katuwang nila sa pamamasada. Ang tawag kasi ng mga taxi driver sa unang modelo ng Vios, Robin. Ang sumunod na modelo naman, si Batman at ang ikatlong labas ng modelo ng Vios, tinawag naman nilang Superman. Hindi ko lang alam ngayon kung umabot na rin kay Spiderman o Iron Man.
Nakuwento natin ito dahil kahit sa mga tsuper, ang pagkakilala nila sa mga Super Friend ay mga kasangga sa pagkayod para magkaroon ng kita hindi yung kakutsaba para tumiba.
Nakalulungkot lamang isipin na ang isang Constitutional body ay mapapasukan ng mga ganitong tao kung totoo man ang mga kumakalat na tsismis. Sila dapat ang taga-bantay kung may mga nagmamalabis sa paggamit ng pondo ng bayan. Paano na lang kung kinain na rin ng sistema ang ating mga tagapagbantay?
The post COA ‘super friends’ bantay salakay sa pondo ng bayan first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: COA ‘super friends’ bantay salakay sa pondo ng bayan