Pinasinayaan kahapon ang busto ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa National Press Club (NPC) sa Magallanes Drive, Intramuros, Maynila.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng National Press Freedom Day (Agosto 30) at paggunita sa ika-173 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Del Pilar na isa sa pinakatanyag na propagandista at mamamahayag sa Pilipinas na lumaban para sa kalayaan gamit ang panulat.
Sa nasabing aktibidad na dinaluhan ng ilang mataas na opisyal at mga sumuporta, sinabi ng NPC na ang mga mamamahayag ang tinig ng katotohanan at patuloy na maging haligi ng pamamahayag sa Pilipinas.
Isa rin si Manila Police District (MPD) chief Brig. Gen. Andre Dizon sa dumalo sa aktibidad kung saan ay tiniyak nito na patuloy na makikipagtulungan ang kapulisan upang mabigyan ng proteksyon ang mga mamamahayag lalo na sa lungsod na kanyang nasasakupan.
Nagpahayag din mensahe si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr., sa pamamagitan ni PNP spokesperson Brig. Gen.
Redrico Maranan na ang kanilang tungkulin ay may kasamang malaking responsibilidad upang bantayan ang kalayaan at kaligtasan ng lahat ng nagtatrabaho tulad ng mga mamamahayag upang maipabatid sa mamamayan ang tunay na balita.
Ipinanganak si Del Pilar sa Nicolas, Bulakan, Bulacan noong Agosto 30, 1850.
Ayon kay NPC president Lydia Bueno, idineklara ang ika-30 ng Agosto bilang National Press Freedom Day sa bisa ng Batas Republika Blg. 11699 na nilagdaan ng dating pangulong Rodrigo Duterte noong ika-13 ng Abril 2022.
Taong 1882 nang maging patnugot ng pahayagang Diariong Tagalog si Del Pilar. Hanggang sa pinalitan niya si Graciano Lopez Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad. Naging sagisag niya sa panulat ang pangalang Plaridel.
Pumanaw si Del Pilar sa Barcelona, Spain noong Hulyo 4, 1896.
Samantala, nagpasalamat din ang pamunuan ng NPC sa ilan sa mga tumulong para maisagawa ang aktibidad tulad ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc., at sa Lions Club ng Pasay City.
(Mina Navarro)
The post Plaridel pinarangalan ng NPC sa National Press Freedom Day first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: Plaridel pinarangalan ng NPC sa National Press Freedom Day