Kinuwestiyon ng dalawang miyembro ng Kongreso ang mass housing program ng gobyerno dahil nagkakahalaga ng P1.4 milyon ang 24-square meter unit na hindi kakayanin ng mga informal settler at ng mga tinatawag na ‘poorest of the poor’.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa panukalang P5.4 bilyong budget ng Department of Human Settlements and Urban Development’s (DHSUD) sa 2024, sinabi ni Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang housing units sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) program ay nagkakahalaga ng P60,000 per square meter. Ibig sabihin nito, ang 24-square meter unit ay papalo na ng P1.4 milyon.
Nilinaw naman ni Acuzar na sagot ng gobyerno ang interest payment kaya principal lang babayaran ng mga benepisyaryo. Sa kanyang pagtaya, nagkakahalaga ng P3,500 hanggang P4,000 ang monthly amortization.
Sinabi naman ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na mataas pa rin ang monthly amortization, lalo na sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa labas ng Metro Manila na mas mababa ang minimum wage.
“Noong tinitingnan ko ang presyo ng pabahay, hindi ito pabahay para sa mahihirap eh. Ang total contract price niyan is P1.4 million. Sa isang mahirap ba kakayanin ang P1.4 million?” tanong ni Castro.
“Para sa akin panagi¬nip lang ‘yan para doon sa sinasabi niyong mahihirap kasi ‘yung P3,500, imagine niyo po ‘yung suweldo ng mga mahihirap P610 per day dito lalo na sa ibang regions,” patutsada pa niya
Binanggit naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na middle class, at hindi ang mahihirap ang makikinabang sa housing program ni Acuzar.
“Tingin ko ‘yung middle class kaya eh, lalo na meron ‘yung nabanggit ninyong subsidy. Pero ‘yung poorest of the poor and informal sector, hindi talaga makikinabang sa ganitong programa,” diin ni Brosas.
Target ng DHSUD na makalikha ng 6 milyong pabahay bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa 2028. (Eralyn Prado)
The post Pabahay sa purdoy P1.4M ang presyo first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: Pabahay sa purdoy P1.4M ang presyo