Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukala na magbibigay sa mga menor de edad ng mas maluwag na access para sa mga reproductive health care service.
Ang panukalang Adolescent Pregnancy Prevention Act (House Bill 8910) ay inaprubahan sa pamamagitan ng viva voce voting sa sesyon noong Miyerkoles.
Layunin ng panukala na magkaroon ng isang komprehensibong polisiya sa pagtugon sa sexual at reproductive health needs ng mga menor de edad at makapagbigay ng reproductive health at sexuality education na angkop sa kanilang edad.
Sa ilalim ng panukala, ang mga edad 15 taong gulang hanggang wala pang 18-anyos ay magkakaroon ng access sa reproductive health service kahit na walang pahintulot ng kanilang magulang o legal guardian.
Kung ang bata na wala pang 15-anyos ay nanganak na, buntis, nakaranas ng sexual abuse, nakunan, sexually active o mayroong high-risk behavior hindi na rin kakailanganin ng pahintulot ng magulang para makakuha ang mga ito ng reproductive health services.
Ang iba pa na wala sa mga nabanggit at mayroong kapansanan sa pag-iisip ay kailangan ng pahintulot ng magulang bago mabigyan ng access sa reproductive health services.
Sa ilalim ng panukala ay inaatasan ang Department of Education na bumuo ng pamantayan, module, at iba pang materyales para sa Comprehensive Adolescent Sexuality Education (CASE) sa tulong ng iba pang ahensiya ng gobyerno.
Itatakda rin ang Pebrero kada taon bilang buwan ng pagpapataas ng kamalayan upang mapigilan ang adolescent pregnancy.
Batay pa sa panukala, magkakaroon ng isang joint congressional oversight committee upang bantayan ang pagpapatupad nito kapag naging isang batas na. (Billy Begas)
The post Kamara niraratsada batas sa teenage pregnancy first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: Kamara niraratsada batas sa teenage pregnancy