Ipinagpaliban ng House committee on appropriations ang pagtapos sa panukalang budget ng National Youth Commission (NYC) para sa susunod na taon matapos umanong magsinungaling ang chairperson nito na si Ronald Cardema.
Sa deliberasyon nitong Huwebes, Agosto 31, nagtanong si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kaugnay ng napaulat na pagbabantay umano ng NYC sa mga estudyante na nire-recruit ng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Cardema na walang katotohanan ito. Kaya binasa ni Manuel ang ulat sa isang pahayag kung saan mayroong umanong sinabi si Cardema kaugnay ng ginagawang monitoring ng NYC.
“Madam Chair, what I stated was I was asking all youth leaders in the country to do their duty in identifying who is recruiting our youth to become members of the NPA,” sabi ni Cardema.
Pinutol naman ni Manuel si Cardema at inilahad ang nalathalang balita kung saan ay mayroon umanong koordinasyon ang mga regional office ng NYC sa Office of the Vice President at masusing mino-minonitor ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at NYC ang umano’y recruitment ng rebeldeng grupo sa mga mag-aaral.
Itinanggi naman ni Cardema na wala siyang natatandaan na may sinabing ganito.
Sa muling pagtatanong ni Manuel ay sinabi nito na nagsisinungaling si Cardema at hiniling na huwag aprubahan ang budget ng NYC. Inaprubahan ang mosyon.
Muling ipapatawag ng komite ang NYC upang depensahan ang P172 milyong budget nito para sa susunod na taon. (Billy Begas)
The post Cardema yari sa Kamara, Youth Commission budget binitin first appeared on Abante Tonite.
Keep on reading: Cardema yari sa Kamara, Youth Commission budget binitin